Ibinabala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panganib sa panukalang dagdagan ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Delikadong magamit sa panggigipit o ‘political harassment’ o panggigipit ang panukalang dagdag na kapangyarihan sa AMLC.
Ito ang babala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon makaraang ipaalala na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay minsang naghinala na pinupulitika sya ng AMLC.
Kabilang sa hinihingi ng AMLC ang subpoena powers na ipatawag ang mga tao o ipakuha ang mga dokumento na kailangan sa imbestigasyon para mas mahusay na mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga dirty money.
Hinihingi rin ang buong kapangyarihan na magpa-freeze o umipit sa assets na paghihinalaan na sangkot sa money laundering.
Ayon kay Drilon, nais din nilang mapalakas ang batas laban sa money-laundering pero kailangan umano ritong maging maingat.
Ipinamamadali ng Malacañang ang panukala dahil sa panganib umano na malagay ang Pilipinas sa grey list ng financial action task force, ang itinuturing na pandaigdigang bantay sa money laundering na naka-base sa Paris.
Kapag napunta sa grey list, maari raw mahirapan ang international financial transactions ng Pilipinas.
Isa sa pinangangambahan ang pagtataas ng bayad sa pagre-remit ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ng pera para sa kanilang pamilya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)