Nakatakdang maghain ng report ngayong araw si Senador Sherwin Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa nangyaring insidente ng pangha-hack ng kanyang credit card.
Ayon kay Gatchalian, posibleng isang uri ito ng modus operandi dahil halatang pinag-aralan ng mga hackers ang detalye ng kanilang biktima.
Magfa-file tayo mamaya sa NBI ng report para maimbestigahan ito… Tingin ko, modus operandi talaga ito dahil alam nila ang ginagawa nila, alam nila kung ano ang maaaring ibenta ng mabilis,” ani Gatchalian.
Hindi rin isinasantabi ng senador ang anggulo na “inside job” ang nangyari dahil nakapagtataka aniyang alam ng hacker ang credit limit nito.
Giit pa ni Gatchalian, mahalaga na maimbestigahan ang naturang pangyayari upang hindi na makapambiktima pa ng iba.
Ako naiisip ko rin ‘yon kasi alam nya ang credit limit… Mahalagang maimbestigahan ito at mahuli ang mga gumagawa,” ani Gatchalian.
Aniya, kung nabiktima nila ang isang senador ay hindi malabong magawa nila ito sa mga ordinaryong tao.
Ang iisipin ng mga ‘yan, kung nagawa natin ito sa isang senador, ay kayang-kaya natin itong gawin sa isang ordinaryong tao,” ani Gatchalian.
Samantala, nanawagan naman si Gatchalian sa mga bangko at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na paigtingin pa ang seguridad hinggil sa mga pribadong impormasyon at detalye ng kanilang mga customers.
Panawagan natin sa bangko, sa BSP, ay higpitan pa nila, dahil mas gumagaling itong mga scammers, hackers. Kung gumagaling ang BSP, mas gumagaling pa sila (scammers),” ani Gatchalian.
Nagpaalala naman ang senador sa publiko na kaagad i-shred ang anumang dokumento na naglalaman ng detalye ng kanilang credit card, at personal na impormasyon na posibleng magamit ng mga scammer o hackers.
Magugunitang nabiktima si Senador Sherwin Gatchalian ng mga hacker nang gamitin ang kanyang credit card sa pagbili ng P1-milyong halaga ng orders sa Food Panda. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882