Minaliit lamang ni dating Pangulong Fidel Ramos ang insidente ng pangha-harass ng China sa grupo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nang bumisita ang mga ito sa Pag-asa Island.
Ito ay makaraang tangkain ng Chinese Military na itaboy ang C-130 plane lulan ang kalihim.
Ayon sa dating Pangulo , dapat balewalain na lamang ni Lorenzana ang nasabing insidente dahil sa sinusubok lang aniya ito ng China.
Binigyang diin pa ni Ramos na eksperto sa diplomasya ang China, kaya’t ito aniya dahilan kung bakit hindi counterpart ni Lorenzana ang nagsasalita kundi isang junior spokesman upang madali itong maitanggi sa hinaharap ng Beijing.
Paninisi ni CGMA kay dating Pangulong Aquino pinalagan ni dating Pangulong Ramos
Pinalagan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang ginawang paninisi ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay dating Pangulong Noynoy Aquino sa isyu sa West Philippine Sea.
Una nang sinabi ni Arroyo na kasalanan ng nakaraang administrasyon kung bakit lumala ang problema sa pagitan ng Pilipinas at China na pilit naman umanong inaayos ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ramos, tama lamang ang ginawa ng Aquino administration na maghain ng reklamo sa arbitral tribunal kaugnay sa pananakop ng China sa ilang islang sakop ng bansa.
Pahayag ng Pangulong Duterte na dapat na armasan ang mga sibilyan sa Bohol vs ASG hindi na bago
Hindi na bago para kay dating Pangulong Fidel Ramos ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na armasan ang mga sibilyan sa Bohol para labanan ang mga Abu Sayyaf Group o ASG.
Ayon kay Ramos, sa kasaysayan ay nagkaroon na ng armed civilian volunteers laban sa mga kalaban ng estado tulad ng CAFGU o Citizen Armed Forces Geographical Unit, Civilian Home Defense Forces at Barangay Self – Defense Unit noong panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay.
Posible aniyang ang panawagan ng Pangulo ay pagpapakita ng pagkainip nito sa resulta ng ginagawang kampanya ng gobyerno laban sa ASG.
Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na maaring armasan ang mga sibilyan para makatulong sa pagtugis sa mga natitira pang Abu Sayyaf sa Bohol kasabay ng alok na tig P1-M sa bawat mahuhuling terorista.
By Rianne Briones