Walang nakikitang paglabag sa konstitusyon o pagiging ilegal ng panghihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa 2022 elections.
Ito ang sagot ni PDP Laban Vice President for External Affairs Raul Lambino sa mga tumutuligsa sa umano’y pagtakbo ni Pangulong Duterte sa national elections.
Ayon kay Lambino, isinusulong nila ang muling pagtakbo ng pangulo bilang vice president upang maipagpatuloy ng punong ehekutibo ang mga proyektong sinimulan ng administrasyong Duterte.
Ani Lambino, ang maituturing na labag sa konstitusyon ay kung muling tatakbo si Pangulong Duterte sa 2022 elections bilang presidente muli ng bansa.
Inihalimbawa pa ni Lambino ang mga naging karera sa pulitika matapos maging pangulo ng bansa sina dating President Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo na tumakbo muli sa ibang posisyon.