Huli sa CCTV footage ang ginawang panghoholdap ng mga suspek sa isang Convenience store sa Quezon City kung saan, muntikan nang matangay ang kinita ng naturang tindahan.
Ayon sa imbestigasyon, pinagtulungan ng mga suspek na itali ang babaeng nagbabantay sa nasabing tindahan saka nilimas ang perang nagkakahalaga na P140K.
Nang akmang patakas na ang mga suspek ay nagawa umano ng biktimang kumawala sa pagkakatali saka hinabol ang mga holdaper.
Dito na naabutan ng biktima ang isa sa mga suspek saka hinampas ng suot na sapatos na sakto namang may mga dumaan na grupo ng mga manggagawa dahilan para makahingi ng tulong ang biktima.
Mabilis na hinabol ng mga grupo ng manggagawa ang mga suspek na sakto ding naharang ng isang guwardiyang nagbabantay sa kalapit na establisyimento.
Agad na nabawi ang perang ninakaw ng nahuling mga suspek na ngayon ay nahaharap sa patung-patong na kaso. —sa panulat ni Angelica Doctolero