Mariing itinanggi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na pinigilan o ginawang hostage ng mga pulis ang labi ng apat na aktibista sa Antipolo City.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Ildebrandi Usana, pawang kasinungalingan ang pinalulutang ng mga militante kung ang pagbabatayan ang ulat ng Rizal Provincial Police Diretor Na Si P/Col. Joseph Arguelles.
Giit ng tagapagsalita ng PNP, ang mga aktibista tulad ng grupong “karapatan” ang siyang unang nagpumilit na pasukin ang Antipolo Memorial Homes kasama ng pamilya ng mga nasawi subalit walang abiso.
Paliwanag pa ni Usana, nais ng may-ari ng punerarya na tanging ang pamilya lamang ng mga nasawi ang papasukin bilang pagtalima na rin sa health protocols lalo’t marami aniyang tao nang mga sandaling iyon.
Giit ni Usana, sa mga miyembro lamang ng pamilya uubrang ibigay ang labi ng kanilang ka-anak kaya’t nagpasaklolo na sa PNP ang may-ari ng punerarya para kasuhan ang mga militante dahil sa panggugulo nito.