Pansamantalang ipagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang panghuhuli ng galunggong simula sa Nobyembre 15 hanggang sa Pebrero ng susunod na taon sa karagatan ng North Eastern Palawan.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council ng BFAR sa tatlong buwan na closed season sa nasabing lugar.
Ayon kay BFAR Director Asis Perez, layon ng pagbabawal na bigyang-daan ang paglaki ng galunggong at iba pang maliliit na lamang-dagat.
Idinagdag na gagawing taun-taon ang closed season o pagbabawal sa pangingisda ng galunggong sa North Eastern Palawan.
Ayon kay Director Asis Perez , kinakailangan nilang gawing regular ang pagbabawal sa paghango ng galunggong upang maagapan ang tuluyang pagka-ubos nito.
Sa nagdaan aniyang 10 taon, bumagsak ng 40 porsyento ng huling galunggong sa North Eastern Samar.
Magsisimula ang closed season sa paghuli ng galunggong mula sa Nobyembre 15 hanggang sa buwan ng Pebrero 2016.
Ito na ang ikalimang taon na nagpatupad ng closed season ang BFAR sa paghango ng isda upang maiwasan ang pagkaubos ng mga ito tulad ng sardinas, herring at iba maliliit na isdang naninirahan sa mababaw na bahagi ng karagatan.
“Over the past 10 years nagkaroon ng mga 40 percent decline ang mga huli natin, kaya mas maganda na kung ima-manage natin itong galunggong sa tingin natin para nung sardinas ay mas dadami ito, kaya meron tayong panawagan na for 3 months magkaroon tayo ng closed season annually dito sa Northern Palawan area.” Pahayag ni Perez.
Taas presyo
Samantala, may nakaambang pagtaas sa presyo ng galunggong ngayong buwan.
Ito’y matapos ipag-utos ng Department of Agriculture o DA ang pansamantalang pagpapatigil sa panghuhuli ng naturang isda sa Palawan dahil sa kumukonting supply nito.
Kaugnay nito, hinimok ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ang mga tindera ng isda na huwag manamantala sa presyo bunsod ng fishing ban.
Tiniyak ni Alcala na babantayan ng kanyang ahensya ang galaw ng presyo ng galunggong sa mga pangunahing palengke.
Giit ng opisyal, hindi dapat itaas ang presyo nito sanhi ng moratorium dahil hindi lang naman sa palawan nahuhuli ang galunggong.
Ang pagbabawal sa panghuhuli ng mga galunggong sa naturang probinsya ay epektibo mula Nobyembre 15, 2015 hanggang Pebrero 15, 2016.
Ipinalabas ang kautusan upang bigyan-daan ang pangingitlog ng mga isdang galunggong sa bahagi ng North Eastern Palawan.
Hindi kasama sa moratorium ang mga mangingisda nang gumagamit ng maliliit na bangka at tanging mga commercial fishing vessels lamang ang sakop nito.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Jelbert Perdez