Umarangkada na ang imbestigasyon ng senado hinggil sa kontrobersyal na tanim o laglag bala modus sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Pinangunahan nina Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto “TG” Guingona at Senate Committee on Public Services Committee Chairman Serge Osmeña ang imbestigasyon.
Unang sumalang sa pagdinig ang isa sa mga biktima ng laglag bala na si Lane Michael White na isang Amerikano.
Idinetalye ni Eloisa White, ang stepmother ni Lane ang insidente at binantaan pa aniya na ipakukulong ang kanyang anak.
Ayon kay Eloisa, kinuhanan niya ng video ang pangyayari at nang ito’y matuklasan, pinabubura sa kanya ng isang SPO2 Clarin ang video at nagbantang siya’y pagmumultahin.
Kuwento pa ni Eloisa, mayroong lumapit na isang PNP officer na nagngangalang “Junio”.
Hinihingan sila ng P30,000 upang maareglo ang insidente.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)