Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi nila pinagbabawalan ang mga Pinoy na mangisda sa West Philippine Sea.
Ayon kay BFAR National Director Undersecretary Eduardo Gongona, kanila lamang pinag-iingat ang mga mangingisdang Pinoy lalo’t mainit pa aniya ang usapin sa pinagtatalunang teritoryo.
Gayundin ang mga ulat ng mga ginagawang pang-haharass ng China sa mga mangingisdang Pinoy.
Binigyang diin ni Gongona, dapat pa rin namang manatili ang presensiya ng Pilipinas sa West Philippine Sea para igiit ang karapatan ng bansa sa nasabing teritoryo.
“Medyo ingat lang tayo pero hindi pinagbabawalan ang mga mangingisda na pumunta doon. In fact, kailangan nga natin na andun tayo para makita yung presence kasi hindi pwedeng pinababayaan natin yung traditional fishing ground natin di ba kasi we will lose by default kung wala na tayo doon.” Pahayag ni Gongona.
Sinabi ni Gongona, sa ngayon, kanila na munang hinihikayat ang mga mangingisda Pinoy na tumutok sa mga municipal waters.
“Sa ngayon, tayo na muna protektahan natin ang municipal waters. We will wait for the right time na makarating tayo doon pero poprotektahan natin ang ating mga mangingisda na pumupunta doon pero mas maganda concentrate muna tayo sa inner water habang may mga issues. We are just being safe and we are just protecting our fishermen, fishing vessels and the environment in compliance.” Ani Gongona.