Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na susunod na ipasasara ang mga business establishment sa Panglao, Bohol.
Ito ay matapos na makarating sa Pangulo na tulad sa Boracay Island ay problema na rin sa naturang tourist destination ang hindi tamang pagtatapon ng mga dumi.
Ayon kay Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, desidido ang Pangulo na tuluyang ipasara ang Panglao kung hindi masosolusyunan ang problema sa septic tank at pagkakaroon ng proper waste disposal facilities.
Aniya, dapat na maging hamon ito sa local na pamahalaan na mas maging istrikto sa pagpapatupad ng batas.
Sa tala ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, sa higit dalawang daang (200) mga commercial environment sa Panglao ay 33 lamang ang mayroong permit mula sa Environmental Management Bureau.
Boracay
Samantala, umapela naman ang mga negosyante sa Boracay sa DENR na i-validate muna at i-update ang listahan ng mga establisyementong lumalabag sa environmental laws.
Ayon kay Boracay Foundation Incorporated Nenette Aguirre-Graf, ilan aniya sa mga nakasama sa naturang listahan ay compliant na habang ang iba ay hindi na nag-ooperate.
Kailangan aniya na ang pagbibigay ng notice of violation ay batay sa tamang impormasyon upang hindi masira ang imahe ng mga negosyo sa isla.
Una nang tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na cesspool ang Boracay at binigyan lamang ng anim na buwan upang maisaayos ang pagtatapon ng dumi.
—-