Posibleng i-realign na lamang ang pondo ng ibang ahensya ng gobyerno at ilaan sa libreng matrikula ng mga estudyante ng state universities at colleges o SUCs.
Kasunod ito ng pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang pera ang gobyerno para sa pagpapatupad ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ayon sa Pangulo, maging ang Kongreso ay batid na walang pagkukunan ng pondo ang bagong batas na magbibigay ng libreng matrikula para sa mga estudyante ng SUCs.
Noong Sabado, nilagdaan ng Pangulo ang naturang batas sa kabila ng pangamba ng kanyang economic managers na hindi kakayanin ng pamahalaan ang malaking pondo para dito.
Bukas, Miyerkules, nakatakdang magkipagdayalogo ang Department of Budget and Management (DBM) sa Commission on Higher Education, TESDA at mga opisyal ng UP Systems, House Appropriations Committee at Senate Finance Committee upang alamin ang kakailanganing budget ng naturang batas.
By Arianne Palma