Nais pa ring puntahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pag-asa Island na bahagi ng pinagtatalunang West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, gusto ng Pangulo na matulog sa nasabing isla kasama ang mga sundalong nakahimpil doon ngunit wala pang katiyakan kung kailan iyon mangyayari.
Una nang kinansela ng Pangulo ang kaniyang pagpunta sa Pag-asa para itaas ang watawat ng Pilipinas sa Hunyo 12 makaraang mag-protesta ng China.
Kung sakali ani Lorenzana, si Communications Secretary Martin Andanar ang ipadadala ng Pangulo sa nasabing isla sa Araw ng Kalayaan kung maitatayo agad ang istasyon ng radyo sa lugar.
Pag-asa Island rehabilitation
Samantala, walang dapat ikabahala ang Pilipinas sakaling maghain ng protesta ang China sa sandaling simulan na ang serye ng konstruksyon ng iba’t ibang pasilidad sa Pag-asa Island.
Ayon kay Lorenzana, pangkaraniwan na lamang ang nasabing hakbang sa tuwing may itinatayo ang Pilipinas sa mga islang sakop nito sa West Philippine Sea.
Gayundin naman aniya ang ginagawa ng Pilipinas noong mga panahong ang China naman ang nagtatayo ng mga istruktura sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Kasunod nito, naniniwala ang Kalihim na hindi mag-uudyok ng tensyon ang ginawa niyang pagbisita sa Pag-asa Island kahapon.
By Ralph Obina
Pangulo balak matulog sa Pag-asa kasama ang mga sundalo was last modified: April 22nd, 2017 by DWIZ 882