Balik-bansa na si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang matagumpay nitong biyahe sa India.
Ito’y kung saan dinaluhan ng Pangulo ang ASEAN – Indian Commemorative Summit.
Sa kanyang arrival speech, ibinalita ng Pangulo ang isa punto dalawampu’t limang (1.25) bilyong dolyar na halaga ng pamumuhunan na lilikha ng sampung libong (10,000) trabaho para sa mga Pilipino.
Kasabay nito, nakipagkasundo rin ang India kasama ang iba pang miyembro ng ASEAN na palakasin ang laban kontra terorismo.
Samantala, ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bantang pagganti sa kanya ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS habang ito ay nasa India para sa dinadaluhang ASEAN-India Commemorative Summit.
Ayon sa Pangulo, hindi siya patatakot sa anumang pagbabanta ng mga teroristang grupo.
Naniniwala ang Pangulo na kung oras na ng isang taong mamatay ay mangyayari ito.
Matatandaang lumabas sa pahayagan sa India na balak ng ISIS na iganti ang pagkamatay ng mga miyembro ng Maute-ISIS at Emir ng Islamic State at Abu Sayyaf Leader na si Isnilon Hapilon.
—-