Hindi makadadalo ang Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng ika-apat na anibersaryo ng pagtama ng super bagyong Yolanda sa Leyte, bukas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil nakatakdang umalis bukas ang Pangulo patungong Vietnam upang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit.
Ayon kay Roque, bagamat hindi makakasama ng mga biktima ng super bagyo ang Pangulo, tiniyak naman nito na tinutugunan ng Punong Ehekutibo ang kanilang mga pangangailangan kagaya ng mga naantala at mabagal na programa sa pabahay ng gobyerno.
Nangako rin aniya ang Pangulo na papapanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na nagpabaya sa kanilang tungkulin.
Temporary shelters
Samantala, inirereklamo ng mga biktima ng bagyong Yolanda sa Palo, Leyte ang anila’y maliit at mala-oven na temporary shelters.
Umaasa ang mga residente na maililipat na sila sa kumportableng tirahan na mayroong supply ng kuryente na hindi nila naramdaman sa nakalipas na tatlong taon o simula nang lumipat sila sa nasabing lugar.
Nagkakasakit na anila ang maraming matatanda at bata sa nasabing temporary shelters dahil sa sobrang init.
(Ralph Obina / Judith Larino)