Tiniyak ng PNP o Philippine National Police na hindi naimpluwesyahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon nilang ibalik sa serbisyo ang mga pulis na akusado sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng kulungan.
Sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, binigyang diin ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na malaya ang PNP Internal Affairs Service sa isinagawa nilang imbestigasyon sa kaso ng 19 na pulis sa pangunguna ni Supt. Marvin Marcos.
Ipinaliwanag rin ni Dela Rosa na hindi nila naipatupad ang apat na buwang suspension laban kay Marcos dahil may nakabinbin itong apela.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pagtatanong ni Senator Gringo Honasan
Gayunman napaamin si Dela Rosa na ibinalik niya sa serbisyo ang mga pulis na pumatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa dahil kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagtatanong ni Senador Bam Aquino sa imbestigasyon ng Senado, sinabi ni Dela Rosa na laging iginigiit ng Pangulo sa kanilang mga pag-uusap na ibalik sa serbisyo ang grupo ni Supt. Marvin Marcos dahil sayang naman ang kanilang sinusuweldo.
Inamin ni Dela Rosa na mayroong mali sa operasyon ng grupo ni Marcos sa Leyte Sub Provincial Jail kung saan napatay si Espinosa subalit wala siyang nakitang matibay na dahilan para hindi pagbigyan ang kagustuhan ng Pangulo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pagtatanong ni Senator Bam Aquino