Hindi pa rin isinasantabi ng Malakanyang ang posibilidad na maunang maturukan ng bakuna kontra COVID-19 si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa kabila ng naging pahayag ng Pangulo na prayoridad sa pagpapabakuna ang mga frontliners at mahihirap na Pilipino at mahuhuli na lamang ang mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pa ring kasiguraduhan ang naging pahayag ng Pangulo.
Nais lamang aniyang iparating ni Pangulong Duterte ang mensaheng dapat na mauna ang mga mahihirap na Pilipino upang matiyak na mabibigyan ng proteksyon ang mga ito mula sa virus.
Gayunman, sinabi ni Roque na maaari pa ring maunang maturukan ang Pangulo, lalo na kung kakailanganing mapataas ang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna kontra COVID-19.