Sa ikatlong pagkakataon simula nang maluklok ito sa puwesto noong 2016 ay muli na namang inisnab ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution.
Kaugnay nito, humalili kay Pangulong Duterte sa pag-aalay ng bulaklak sa People Power Monument sa EDSA, kaninang umaga, si Education Undersecretary Lorna Dig-dino.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi dadalo sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng ika-tatlumpu’t talong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ang Pangulo dahil sa dami ng kinakailangan nitong gawin.
Kabilang dito ang pagdalo sa 1st national assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Pasay City mamayang alas-5:00 ng hapon.
Binigyang diin naman ni Panelo na bagama’t wala ang pisikal na presensiya ng Pangulo sa pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution, patuloy pa rin aniya ang pakikiisa ng Punong Ehekutibo bilang paalala na ang kasalukuyang pamahalaan ay bunga ng demokrasiyang ipinaglaban ng nakararami.
Absent rin sa inihandang programa para sa pagdiriwang ng ika-tatlumpu’t tatlong anibersaryo ng EDSA People Power si dating Pangulong Fidel V. Ramos, kaninang umaga.
Magugunitang, isa si Ramos sa mga kilalang personalidad sa EDSA Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos at nagluklok naman kay dating Pangulong Corazon Aquino.
Si Ramos na noo’y pinuno ng Philippine Constabulary, kasama ang noo’y Defense Minister na si Juan Ponce Enrile, ang mga nanguna sa panawagang mag-aklas sa diktaturyang Marcos.
Noong nakaraang taon lamang pinangunahan ni Ramos ang wreath-laying ceremony sa EDSA People Power Monument at ang tradisyunal na salubungan o ang pagsasadula sa makasaysayang pagsasama ng puwersa ng pamahalaan at sibilyan noong 1986.
—-