Dapat magsalita na ang doktor ng Pangulo o ang Pangulong Rodrigo Duterte mismo sa tunay nitong kalagayan.
Ayon kay Professor Clarita Carlos, isang political analyst, matatapos lamang ang mga ispekulasyon na may grabeng karamdaman ang Pangulo kung mismong ang doktor nito ang magsasalita hinggil sa pangangailangan nitong magpahinga pansamantala.
Wala naman anyang masama kung sabihin sa publiko na masama ang pakiramdam o may trangkaso o sobra ang pagod na naramdaman ng Pangulo dahil sa dami ng kanyang trabaho.
“Kung may nararamdaman ang Presidente, may trangkaso siya etc., magsabi na kayo kasi the President is a human being, like ngayon kausap mo ako, I’m sure may telepono siya sa tabi, puwedeng sabihin niya, mga kababayan buhay pa po ako, huwag kayong mag-alala, nagpapahinga lang ako kesyo may masakit sa katawan ko, ganun na lang para matapos ang mga conjectures na yan, kasi alam mo ang conjectures mas dramatic kesa sa kung ano ang nangyayari. Imbes na kumuha ka ng litrato eh pagsalitain mo na siya.” Pahayag ni Carlos
Una nang ipinalabas ng Malacañang ang mga larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng mga espekulasyon na may sakit ang Presidente kaya hindi ito nakikita ng publiko.
Sa larawan ay makikita ang Pangulo na nakipagkamay pa sa mga opisyal ng Philipppine Air Force o PAF sa Pasay City bago ito tumulak sa Davao City.
Sa account naman ni Special Assistant to the President Bong Go, nag- post ito ng larawan nila ng Pangulo kung saan ay tinukoy pa nito na nagtatrabaho ang Pangulo sa Bahay Pagbabago.
Umugong ang espekulasyon na may malubhang sakit ang Pangulo matapos na bigong dumalo ang Pangulo sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Rizal Park.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Pangulo hinimok na magsalita na sa lagay ng kalusugan was last modified: June 16th, 2017 by DWIZ 882