Itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman siya sa pagbibigay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang libong pisong (P1,000) budget sa CHR o Commission on Human Rights.
Sa presscon sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Pangulong Duterte na galit ang mga congressman kay CHR Chairman Chito Gascon dahil sa aniya’y maling paraan ng pag-iimbestiga sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng giyera ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Dagdag ni Pangulong Duterte, hindi rin aniya magiging patas si Gascon dahil sa mabilis nitong paghuhusga at pagbibigay ng konklusyon sa mga kaso.
‘Lacson says’
Samantala, nais malaman ni Senador Panfilo Lacson kung saan nailagay ang panukalang pondong tinapyas mula sa CHR o Commission on Human Rights.
Ito ay matapos na aprubahan ng Kamara ang P1,000 pondo ng CHR para sa susunod na taon.
Sa kanyang twitter post, kinuwestiyon ni Lacson kung paanong nanatili sa 3.767 trillion ang 2018 proposed national budget gayung ginawa na lamang P1,000 ang pondo ng CHR sa susunod na taon mula sa panukalang 678 million pesos.
Una nang sinabi ni Lacson na maninindigan ang Senate Committee of Finance sa ipinasang 678 million proposed 2018 budget ng CHR at nangakong kanilang mahigpit na bubusisiin ang General Appropriations Bill na bersyon ng Kamara.
—-