Nakatakdang makipagkita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Filipina household worker na binanlian ng kanyang amo sa Saudi Arabia noong 2014, ngayong gabi.
Batay sa ulat, pribado at walang media coverage ang pakikipagkita ni Pangulong Duterte sa OFW na si Fahima Alagassi na kababalik pa lamang sa bansa kahapon.
Si Alagassi ay mula sa bayan ng pikit sa North Cotabato at nagtungo sa Saudi Arabia noong Marso taong 2014 para magtrabaho subalit nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanyang amo.
Mahigit tatlong taon na namalagi si Alagassi sa isang shelter na hinahawakan ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh matapos na maibasura ang kasong kanyang inihain laban sa kanyang dating amo.
Nakabalik naman ng bansa si Alagassi sa tulong ni Pangulong Duterte matapos na personal nitong banggitin kay Saudi Interior Minister Abdulaziz Bin Saud Bin Naif ang kanyang sitwasyon at maibasura ang kasong inihain ng kanyang dating amo bilang ganti.
—-