Malamig si Pangulong Rodrigo Duterte sa alok ng National Democratic Front o NDF na pagtulong sa tropa ng pamahalaan na lansagin ang mga teroristang patuloy na nanggugulo ngayon sa Marawi City.
Ayon sa Pangulo, hindi siya kumbinsido sa naturang hakbang ng makakaliwang grupo.
Kasabay nito, pinaalalahan ng Pangulo si National Peace Adviser Jesus Dureza at GPH Chief Negotiator at Labor Secretary Silvestre Bello III na kailangan munang malagdaan ang tigil putukan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF bago bumalik muli sa negotiating table.
Matatandaang kinansela ng pamahalaan ang ika-limang round ng peace talks sa The Netherlands matapos paigtingin ng New People’s Army ang kanilang opensiba laban sa pamahalaan dahil sa idineklarang Martial Law ng Pangulong Duterte sa Mindanao.
Samantala, kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na magtatagumpay ang pamahalaan sa laban nito kontra terorismo.
Gayunman, binigyang diin ng Pangulo na hindi magiging madali ang labang ito at asahan na aniya ang pagbubuwis ng buhay.
Ayon sa Pangulo, posibleng matagalan ngunit sa bandang huli aniya ay nakatitiyak siyang mananaig ang puwersa ng gobyerno laban sa mga terorista.
Maliban dito, hindi aniya maaaring maging basta-basta ang opensiba ng militar laban sa mga teroristang grupo dahil bilang isa sa mga lumagda sa Geneva Convention may responsibilidad ang pamahalaan ng Pilipinas na tiyaking walang sibilyan ang madadamay sa mga operasyon ng tropa ng gobyerno.
ByRalph Obina
Pangulo malamig sa alok na tulong ng NDF was last modified: June 3rd, 2017 by DWIZ 882