Maaaring isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa sa Martial Law kahit nasa isang lugar lamang ang bakbakan.
Ito ang isinasaad sa desisyon ng Supreme Court matapos ibasura ang mga petisyong kumukuwestyon sa idineklarang Batas Militar ni Pangulong Duterte sa Mindanao.
Sa walumpu’t dalawang (82) pahinang desisyong pinonente ni Associate Justice Mariano del Castillo, inihayag ng High Court na bagaman binibigyan sila ng otorisasyon ng 1987 Constitution na pag-aralan ang kapangyarihan ng Pangulo na magdeklara ng Martial Law, hindi naman maaaring limitahan ang kapangyarihan nito bilang Punong Ehekutibo.
Ipinunto ng SC na ang paghahasik ng kaguluhan ng ISIS-Maute Group sa Marawi City simula noong Mayo 23 ay isang uri ng rebelyon dahilan upang magpatupad ng Batas Militar at suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao.
Iginiit din ng mayorya ng mga mahistrado na walang nakasaad sa Saligang Batas na dapat lamang ipatupad ang Martial Law sa isang partikular na lugar kung saan may nagaganap na armed public uprising.
By Drew Nacino
Pangulo malayang ideklara ang Martial Law sa buong bansa—SC was last modified: July 6th, 2017 by DWIZ 882