Binigyan na ng go signal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasok ng bansa sa joint exploration kasama ang China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay DFA o Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, ito ang isinusulong ng Pangulo lalo’t kinakailangan ng bansa ng ibang mapagkukunan ng natural gas dahil hindi na aabutin ng isang dekada bago masaid ang Malampaya gas facility.
Aniya, nagsimula na siyang makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno na maaring makapagbigay ng kanilang expertise sa planong joint exploration.
Kabilang dito sina Department of Energy Secretary Alfonso Cusi at House Special Committee on the West Philippine Sea Chairman Quezon City Representative Feliciano Belmonte Jr.
Gayundin aniya ang ilang mga legal expert para bumalangkas ng isang workable legal framework.
Samantala, hindi dapat na maalarma.
Ito ang naging kalmadong reaksyon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa ulat na mayroong mga barko ang China malapit sa Pagasa Island sa Palawan.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat na ituring na kaaway sa halip ay kakampi ang China.
Inihalimbawa pa nito ang kawalan ng reaksyon ng mga Pilipino sa paglalayag ng Amerika sa pinag-aagawang teritoryo dahil ito ay kilalang kaalyado ng bansa.
Sa halip na sitahin, sinabi ni Cayetano na pagpapaliwanagin lamang ang China sa naging pagkilos nito.
Una nang umapela si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano sa gobyerno na igiit nito ang karapatan ng bansa sa naturang teritoryo at muling maghain ng diplomatic protest bilang pagtutol sa presensya ng China.
By Rianne Briones