Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lalawigan ng Albay ngayong araw para personal na silipin ang sitwasyon doon kasabay ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Sa kaniyang arrival speech sa kaniyang naging pagbisita mula sa India noong Sabado, sinabi ng Pangulo na wala namang problema sa kaniya basta’t may ligtas lamang na malalapagan ang sasakyan niyang eroplano.
Kahapon, inumpisahan na ni Agriculture Secretary Manny Piñol kasama si Undersecretary Eduardo Gongona ang paglilibot sa lalawigan para tingnan ang pinsalang dulot ng pagputok ng Mayon sa sektor ng agrikultura.
Batay sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umakyat na sa isandaan at walumpu’t siyam (189) na milyong piso na ang naitatalang pinsala sa agri sector sa naturang lalawigan.
Dahil dito, inihayag ni Piñol na naglaan na sila ng isang bilyong piso para ayudahan ang mga naapektuhang magsasaka roon.
Samantala, dumipensa naman ang Pangulo sa pahayag ni Albay Governor Al Francis Bichara dahil sa anito’y usad pagong na pagbibigay ng tulong sa naturang lalawigan.
“The delay must be somewhere else pero hindi kami, kasi sabi ko ilarga na kaagad.”
‘Turismo’
Nananatili pa ring nakataas sa ika-apat ang alerto sa Albay kasunod na rin ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Pero ayon sa Albay Tourism Office, biyaya pa nila kung ituring ang pag-aalburuto ng bulkan dahil tumaas pa ang bilang ng mga turistang bumibista sa kanilang lalawigan.
Tinatayang nasa limang (5) milyong piso na ang kinita ng lalawigan sa nakalipas lamang na dalawang linggo at nabawi na rin ng mga hotel ang mga nakanselang bookings nila na nasa sampung porsyento.
Aabot naman sa labing siyam na libong (19,000) mga turista ang nagtungo sa makasaysayang Cagsawa Ruins ngayong buwan lamang na dalawampu’t limang (25) porsyento ang itinaas kumpara sa nakalipas na taon.
Kasunod nito, mahigpit ang babala ni Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Dr. Cedric Daep sa lahat ng mga lumalapit sa bulkang Mayon.
—-