(Updated)
Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Marawi City, Lanao del Sur sa kabila ng nagpapatuloy na bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at grupong ISIS-Maute.
Ayon kay Pangulong Duterte, maaaring bukas ay magtungo siya sa lungsod kasabay ng kanyang unang taong anibersaryo sa termino.
Aminado ang Punong Ehekutibo na hindi siya basta na lamang uupo sa kanyang opisina habang namamatay ang mga mamamayan ng Marawi sa kamay ng mga terorista.
Samantala, binalewala naman ng Pangulo ang peligrong maaari niyang kaharapin sa pagbisita sa battle zone.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Kaugnay nito, sinabi sa DWIZ ni Presidential Communications Office o PCO Secretary Martin Andanar na wala pang katiyakan ang pagtungo mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City.
Ayon kay Andanar, depende pa aniya ito sa magiging assessment ng Presidential Security Group o PSG.
Sinabi ni Andanar na bagamat gustuhin ng Pangulo ay ang PSG pa rin ang masusunod lalo’t kaligtasan ng presidente ang nakasalalay dito.
“Kahit na gustuhin niya pero ang security analysis sa lugar ay hindi paborable, masusunod ang PSG diyan kasi ang mandato nila ay bantayan ang Presidente.” Pahayag ni Andanar
By Drew Nacino / Ralph Obina / Balitang Todong Lakas (Interview)
Photo: Malacañang Photo Bureau