Naniniwala ang grupong BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan na malaki ang posibilidad na ihihirit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig sa umiiral na Martial Law sa buong Mindanao.
Ito ay matapos na ibasura ng Korte Suprema ang mga inihaing petisyon kontra Martial Law.
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, maaaring gamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang SONA bilang venue upang hilingin sa Kongreso ang pagpapalawig sa Batas Militar sa Mindanao.
“Ngayong nakakuha na sila ng Martial Law legitimacy mula sa Korte Suprema, sigurado ang kasunod nun ay hilingin ang extension ng Martial Law, kung kelan gagawin ng Pangulo yan hindi natin alam, alam natin only a joint session of Congress can extend Martial Law, hindi natin alam kung gagamitin ng Presidente ang SONA bilang venue para ipanawagan ang extension ng Batas Militar.” Ani Reyes
Samantala, kumbinsido naman si Congressman Harry Roque na nagpa-iral ng judicial restraint ang Korte Suprema nang pagtibayin nila ang legalidad ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Roque, mas pinili ng mga mahistrado na magtiwala sa Pangulong Rodrigo Duterte dahil mas may kakayahan itong alamin ang tunay na nangyayari sa Mindanao.
“Dahil ang Korte Suprema wala naman silang kakayanan na mangalap ng impormasyon di gaya ng Presidente, in the end nagtiwala ang Korte Suprema doon sa desisyon ng Presidente dahil ang impormasyon na kailangan lahat yan nasa kamay ng Presidente, kumbaga the court exercises judicial restraint.” Pahayag ni Roque
By Krista de Dios | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Pangulo posibleng ihirit na palawigin ang Martial Law—BAYAN was last modified: July 5th, 2017 by DWIZ 882