Pinababawi ng isang international human rights group kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bantang pambobomba nito sa mga paaralan ng mga Lumad dahil sa paniniwalang pinatatakbo ito ng mga komunista.
Ayon sa Human Rights Watch, tila mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naglalaglag sa kanyang sarili dahil sa mga posibleng war crimes na kanyang kaharapin sa International Court.
Ayon kay Carlos Conde, Philippine Researcher ng HRW Asia Division, malinaw na isang uri ng krimen sa digmaan ang bantang pag-atake sa mga guro at mag-aaral bilang mga sibilyan.
Una nang iginiit ni Pangulong Duterte sa mga komunista na manatiling makipagtulungan sa kanya at itigil na ang mga pag-atake kung talagang sinsero ito na magkaroon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Samantala, binatikos naman ng dalawang mambabatas ang naging pahayag ni pangulong duterte na kanyang bobombahin ang mga paaralan na pinatatakbo ng mga Lumad.
Ayon kay Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao, tila inuulit lamang ni Pangulong Duterte ang mga naganap sa nakaraang administrasyon kung saan tatlong lider ng mga Lumad ang pinaslang.
Hinikayat din ni Casilao ang mga iba’t ibang sektor sa bansa maging ang mga kaalyado ng Pangulo na kundenahin ang naging pahayag nito.
Ayon naman kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate taliwas ito sa mga unang naging pahayag ni panguLong Duterte na kanyang pinahahalagahan ang buhay.
Giit ni Zarate, kung nais ng Pangulo ng tunay na kapayapaan ay huwag siyang makinig sa mga aniya’ya walang katotohanang mga impormasyon mula sa militar.
By Jaymark Dagala | Krista de Dios
Pangulo posibleng kasuhan ng war crimes sa International Court was last modified: July 27th, 2017 by DWIZ 882