Tumangging magkomento si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang ‘palit bise’ rally ng kanyang mga taga-suporta sa Quirino Grandstand sa Maynila mula kagabi hanggang kaninang madaling araw.
Ayon sa Pangulo, simple lamang naman ang kanyang pangako sa bayan na supilin ang droga, krimen at katiwalian sa pamahalaan kaya’t iyon na lamang ang kanyang aatupagin.
Kasunod nito, muling itinanggi ng Pangulo na may kumpas o basbas niya ang nasabing pagtitipon sabay giit na wala siyang kinalaman dito.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
‘Palit-bise’ rally
Dumagsa ang mga tagasuporta ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Quirino Grandstand Park upang ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni Vice President Leni Robredo kahapon.
Kanya-kanyang bitbit ng placards ang mga supporter na dumalo sa tinaguriang ‘palit-bise’ rally kung saan ang ilan ay nanawagan ng pagpapa-impeach kay Leni habang ang iba naman ay hinamon ang bise na mag-resign na sa kanyang puwesto.
Ayon kay Jimmy Bondoc, isa sa mga organizer, dapat na papanagutin si Robredo dahil sa ginawa nitong panghihiya sa Pilipinas kasunod ng video nito na ipinalabas sa United Nations (UN) na tumatalakay sa estado ng extrajudicial killings sa bansa.
Bukod kay Robredo, hinamon din ni Bondoc ang iba pang presidential appointee na magbitiw sa kanilang pwesto dahil umano’y pagkontra sa mga ipinapatupad na pagbabago ng Pangulo.
Hindi naman tinukoy ni Bondoc kung sino ang iba pang opisyal ng gobyerno na kanyang pinatutungkulan.
Pasado alas-4:00 ng hapon kahapon nang magsimula ang palit-bise rally at pasado alas-12:00 naman ng gabi nang matapos ito.
VP Leni
Samantala, hindi pa titinag si Vice President Leni Robredo sa kabila ng ginanap na ‘palit-bise’ rally sa Quirino Grandstand kahapon.
Ayon kay Vice Presidential Legal Adviser Barry Gutierrez, patuloy pa lamang na nakatutok sa kanyang trabaho ang Ikalawang Pangulo.
Aniya, malinaw naman sa huling pagkikita ng Pangulong Rodrigo Duterte at VP Robredo na nirerespeto ng mga ito ang mandato ng Isa’t isa.
Sinabi pa ni Gutierrez na dapat na magpaliwanag ang mga nagpakilalang supporters ng Pangulo dahil sa malinaw na paglabag ng mga ito sa kagustuhan ng Pangulo na itigil na ang anumang usapin ng pagpapatalsik kay Robredo.
Dinaluhan ng halos limang libong (5,000) mga Duterte supporter ang palit-bise rally na sinasabing pinondohan ng isang website at ilang mga Pilipino sa ibang bansa.
By Jaymark Dagala | Rianne Briones