Gagastusan ng pamahalaan ang pag-uwi ng lahat ng Overseas Filipino Workers na gusto nang umuwi mula sa Middle East lalo na mula sa mga bansang naghigpit na sa mga dayuhang manggagawa na hindi dokumentado.
At bilang paunang hakbang ay kasama na ng Pangulo sa pag-uwi niya sa bansa ang may isandaan at limampu’t isang (151) OFWs na nakakuha ng amnestiya sa Saudi Arabia.
Inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na unahin sa repatriation ang mga Pilipinong may sakit at disabled.
Kabuuang sampung libong piso (P10,000) rin ang ipinamudmod ng Pangulo sa bawat isang OFW na kasabayan niyang dumating sa bansa.
Ang limang libo (5,000) ay nagmula sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration samantalang ang limang libo (5,000) ay nagmula mismo sa Pangulo at siya mismo ang namudmod nito sa mga OFWs.
Defense and security agreement
Samantala, ibinunyag ng Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon syang pinasok na Defense and Security Arrangement sa pagbisita niya sa Middle East.
Hindi tinukoy ng Pangulo kung anong bansa at kung ano ang detalye ng pinasok niyang kasunduan subalit sinabi nya na ito ay bilang pagtanaw ng utang na loob sa pangangalaga ng naturang bansa sa mga Overseas Filipino Workers.
Una rito, sa kanyang talumpati sa Bahrain, sinabi ng Pangulo na handa syang magpadala ng mga sundalo sa Bahrain sakaling sumiklab ang kaguluhan doon.
Ayon sa Pangulo, sinabi niya kay King Hamad Bin Isa Al Khalifa na tumawag lamang sa kanya sakaling mangailangan ito ng tulong.
By Len Aguirre
Pangulo tiniyak na gagastusan ang repatriation ng mga OFW mula sa Middle East was last modified: April 17th, 2017 by DWIZ 882