Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa grupong Abu Sayyaf na tigilan na ang karahasang ginagawa sa bansa.
Sinabi ito ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa pagbisita sa Patikul Sulu para tingnan ang kalagayan ng ilang sumukong miyembro ng Abu Sayyaf at inspeksyunin ang mga isinukong armas.
Ayon sa Pangulo naiintindahan niya ang sitwasyon ng Abu Sayyaf na tila kanilang nararamdaman na naisasantabi sila ng gobyerno.
Dahil dito tiniyak ni Pangulong Duterte na makakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan ang mga susuko pang rebelde gaya ng tulong pangkabuhayan at pagsasailalim sa mga skills training.
Samantala, iprenisinta ng militar kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sumukong miyembro ng Abu Sayyaf at ilang mga loose firearms sa Barangay Bangkal, Patikul Sulu kahapon.
Ayon kay Task Force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana nasa 76 ang mga sumukong rebeldeng nakaharap ng Pangulo.
Sa tala ng AFP umabot nasa kabuuang dalawandaan at dalawang (202) miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko sa Western Mindanao Command.
Samantalang nasa 652 malalakas na uri naman ng armas ang isinuko sa pamahalaan ng mga residente at mga lokal na opisyal.
Magugunitang ang pagkuha sa mga loose firearms ang isa sa mga naging utos ni Pangulong Duterte para maiwasan umano ang paggamit nito sa pag-aaklas gaya ng nangyari sa lungsod ng Marawi.
—-