Isang maliit at simpleng pagtitipon lamang ang gagawin ni Pangulong Benigno Aquino III sa Bahay Pangarap ngayong araw.
Kasunod ito ng pagdiriwang ng kanyang ika-56 na kaarawan kasabay ng pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year.
Inaasahang dadalo sa nasabing pagtitipon ang kanyang mga kapatid at pamilya nito gayundin malalapit na kaibigan, miyembro ng kanyang gabinete at kaalyado sa Partido Liberal.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, wala pang opisyal na public engagement ang Pangulo sa araw na ito.
Hangad naman ni Coloma sa kanyang boss ang maayos na kalusugan at maayos na paglilipat ng kapangyarihan pagsapit ng Hunyo 30.
Chinese New Year
Samantala, nagpahayag si Pangulong Noynoy Aquino ng pakikiisa ng Malacañang at gobyerno sa selebrasyon ng Chinese New Year.
Hangad ng Pangulo ang kasiyahan, kasaganaan at magandang kalusugan para sa buong Chinese-Filipino community ngayong araw kung saan ipinagdiriwang ang Chinese New Year.
Inihayag ni Communications Secretary Sonny Coloma na idineklarang special non-working holiday ni Pangulong Aquino ang araw na ito simula noong 2011 bilang pakikiisa sa ating mga kapatid na Chinese-Filipino.
Binigyan diin ni Pangulong Aquino na ang pamana mula sa mga Chinese ay nakadagdag sa mas malalim at makulay na kasaysayan ng Pilipinas.
Dagdag pa niya ang mga naging kotribusyon nila ay naging bahagi na ng sama-samang pagkakakilanlan ng mga Pinoy.
By Jaymark Dagala | Mariboy Ysibido