Nagbabala si Pangulong Benigno Aquino III sa mga naging pahayag ni presidential candidate at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ipapasara nito ang Kongreso pag-upong presidente para hindi siya mapa-impeach ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon sa Pangulo, wala nang pipigil kay Duterte na magdeklara ng Martial Law kapag isinara ang Kongreso at kung ipapasara din ng Supreme Court ay wala nang tatakbuhan ang mga tao.
Aniya walang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa isang presidente na magpasara ng Kongreso.
Sinabi ng Pangulo na bagama’t hindi siya abogado, sigurado naman siya na walang probisyon sa Saligang Batas na nagbibigay ng karapatan sa naka-upong presidente na ipasara ang Kongreso.
Ipinaliwanag ni Aquino na base sa konstitusyon, kaya hinati ang poder ng kapangyarihan sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura ay para bantayan nito ang isa’t isa.
Duterte fires back
Agad na binalikan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte si Pangulong Benigno Aquino III kasunod nang mga patutsada nito sa kanya.
Sa kanyang pag-iikot sa Iloilo City ay hiningan ng reaksyon si Duterte kasunod ng halos araw-araw na pag-atake sa kanya ng pangulo.
Sinabi ni Duterte na dapat ay matulog na lamang ang Pangulo dahil malapit na rin namang matapos ang panunungkulan nito.
Bukod dito ay pinayuhan ng alkalde si PNoy na ayusin na lamang ang kanyang planong retirement kaysa problemahin ang kandidatong katulad nya.
Una nang sinabi ni Aquino na nanganganib ang bansa sakaling manalo sa halalan sa Duterte dahil posibleng maharap mula sa Martial Law ang Pilipinas kasunod ng banta nitong ipapasara ang Kongreso.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones