Tiniyak ng Malakanyang na agad na lalagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte ang COVID-19 vaccine indemnity bill sakaling makarating na ito sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, tinawagan ang liderato ng mayorya sa kamara at sinabi umano nito sa kanya na naipasa na ng kongreso ang indemnification bill.
Pahayag ni Roque, katatapos lamang na maipasa ng mga mambabatas ang panukalang ito kungsaan sa ngayon ay hinihintay na lamang aniya nilang ma-print at maipadala na sa Palasyo ang konpya ng ipinasang indemnity bill ng Kongreso.
Matatandaan na una nang sinabi ng pamahalaan na nais ng mga vaccine maker na magkaroon ng indemnification law ang Pilipinas upang masiguro na wala silang pananagutan at hindi rin sila makakasuhan sakaling mayroong makaranas ng adverse effect ang mga indibidwal na mababakunahan ng kanilang nalikhang COVID-19 vaccine. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)