Nagpahayag ng kalungkutan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pangyayari ngayon sa Marawi City dahil sa matinding pinsalang idinulot nito hindi lamang sa mga ari-arian kung hindi maging sa mga buhay ng mga taga-ruon.
Sa kaniyang talumpati sa ika-120 anibersaryo ng PSG o Presidential Security Group, sinabi ng Pangulo na kaniyang nilalabanan ang lungkot sa gabi lalo na kapag nababasa niya ang briefer na ibinibigay sa kaniya ng militar hinggil sa nagpapatuloy na bakbakan.
Labis din niyang ikinalulungkot na siya pa mismo ang nag-utos sa mga sundalo na makipag-digmaan sa mga teroristang Maute sa lungsod na karamihan ay mga kapwa Pilipino.
Ayon pa sa Pangulo, may balak siyang magtungo sa Marawi City para bisitahin ang mga sundalo dahil hindi aniya maaaring naka-upo lamang siya sa opisina habang pinanonood ang mga kawal na nagbubuwis ng buhay para sa bayan.
Batay sa pinakahuling tala ng AFP o Armed Forces of the Philippines, nasa 71 na ang nalalagas sa hanay ng mga sundalo dahil sa bakbakan.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping
Pangulong Duterte aminadong nalulungkot sa sitwasyon ngayon sa Marawi City was last modified: June 29th, 2017 by DWIZ 882