Posibleng isagawa sa China ang harapang pag-uusap nila Pangulong Rodrigo Duterte at Communist Party of the Philippines o CPP founder Jose Maria Sison.
Ayon iyan kay Labor Secretary at Government Peace Panel Chief Negotiator Silvestre Bello III dahil sa hindi pa naman aniya maaaring bumalik sa Pilipinas si Sison na kasalukuyan pa ring naka-exile sa The Netherlands.
Kasunod nito, ibinunyag din ni Bello na may inaasahang pag-uusap ang dalawang lider sa pamamagitan ng telepono ngayong linggong ito.
Subalit nilinaw ng kalihim na hindi dapat ituring na isang pre-condition ang naturang pag-uusap sa muling pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.
Pero sinabi ni Bello na kasalukuyan pa rin nilang inaayos ang naturang pag-uusap upang magkalinawan ang dalawa sa mga usaping namamagitan sa kanila na nakaaapekto sa pag-usad ng peace talks.
—-