Mainit na sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte si Moro National Liberation Front o MNLF Chairman Nur Misuari sa Palasyo ng Malacañang kahapon.
Ito’y makaraang suspendehin ng Pasig Regional Trial Court ang mandamiyento de aresto gayundin ang pagdinig sa mga kasong kinahaharap ni Misuari hinggil sa madugong Zamboanga siege noong 2013.
Pinasalamatan ng Pangulo si Presidential Adviser on the Peace Process o OPPAP Secretary Jess Dureza na naging daan para sa kanilang pag-uusap.
Kasunod nito, tiniyak ng Pangulong Duterte kay Misuari na hindi pagkakaitan ng kalayaan si Misuari habang umuusad ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao.
Peace talks
Tinanggap na ni Moro National Liberation Front o MNLF Founding Chairman Nur Misuari ang alok na usapang pangkapayapaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahapon, binigyang pagkakataon ng Pangulo si Misuari na makapagtalumpati sa publiko sa mismong podium kung saan siya nagsasalita sa ceremonial hall ng Palasyo.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Misuari na nagkaroon na ng katuparan ang matagal na niyang hinihintay na magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga Moro ng Mindanao.
Kasunod nito, binanatan ni Misuari ang media na aniya’y gumagawa ng mga maling balita upang palabasin siyang masama sa harap ng international community.
By Jaymark Dagala