Nagharap na sina Pangulong Rodrigo Duterte at ang pamilya ng hazing victim at University of Santo Tomas (UST) faculty of civil law freshman Horacio “Atio” Castillo III sa Malakanyang ngayong Miyerkules, Oktubre 4.
Sinamahan ni Justice Secretasry Vitaliano Aguirre ang pamilya Castillo na kinabibilangan nila Horacio Jr., asawa nitong si Carmina, tiyuhin na si Dr. Gerry Castillo at kapatid na babae ni Atio na si Nicole.
Sa gitna ng pagpupulong, tinawagan ng Pangulo si MPD o Manila Police District Director Chief Superintendent Joel Coronel para atasan nitong pangunahan ang imbestigasyon kaugnay sa kaso ni Atio.
Kasunod nito, inatasan din ng Pangulo si Aguirre na itigil ang ginagawang parallel investigation ng NBI o National Bureau of Investigation batay na rin sa naging kahilingan ng pamilya ni Atio.
Nakatakda ring hilingin ng Pangulo ang tulong ng INTERPOL o International Police upang matunton ang kinaroroonan ng Aegis Juris member na si Ralph Trangia na itinakas ng kaniyang ina isang araw matapos mapatay si Atio.