Wala pa ring opisyal na schedule si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Martes.
Ito ang ikatlong araw na hindi nakita sa pulbiko ang Pangulo matapos na hindi dumalo sa anibersaryo ng ‘Araw ng Kalayaan’ sa Luneta Park noong Lunes.
Batay sa impormasyon mula sa Malakanyang, kanselado lahat ng nakalinyang aktibidad ng Pangulo at uuwi muna ito sa Davao City ngayong Martes.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang sakit si Pangulong Duterte at nagpapahinga lamang dahil napagod sa pag-iikot sa mga nasugatan at nasawing sundalo dahil sa bakbakan sa Marawi City.
P10-M supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi welcome sa Palasyo
Welcome sa Malakanyang ang inihaing panukala sa Kamara na sampung milyong pisong (P10-M) supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ikinagagalak ng Palasyo ang inisiyatiba ng ilang mambabatas sa paghahain ng House Bill 5874 o ang Tindeg Marawi Bill.
Sa ilalim ng panukala, hahatiin ang sampung milyong pisong pondo para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na mangunguna sa pagsasa-ayus sa lungsod.
Sakop din dito ang humanitarian assistance sa mga naapektuhang residente at rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura at ari-arian.
Una rito, nagpalabas na rin ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte ng paglalaan ng sampung milyong pisong pondo para sa Marawi City rehabilitation center.
By Krista De Dios | With Report from Aileen Taliping