Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine National Police o PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa na maging mapagmatyag dahil sa paniwalang may sumasabotahe sa PNP para ipahiya ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Inatasan ni Pangulong Duterte si Dela Rosa na silipin ang anggulong pananabotahe sa sunud-sunod na pagpatay sa mga kabataan at menor de edad para pasamain ang imahe ng PNP at ng kanyang administrasyon.
Hindi inaalis ng Punong Ehekutibo ang posibilidad na mayroong sumasalbahe sa pambansang pulisya dahil sa magkasunod na pagpatay kina Kian Loyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at 14-anyos na si Reynaldo de Guzman.
Isa ring kabataan ang napaulat na nawala sa Baguio City at kinalauna’y natagpuang patay.
Samantala, aminado naman si Pangulong Duterte na hindi malayong kamag-anak niya si Arnaiz na sinasabing pinatay ng mga pulis Caloocan.
Taga-Maasin, Leyte ang magulang ni Carl Angelo at kamag-anak umano sa side ng mga Roa kung saan unang nanggaling ang pamilya ng Pangulo.
Ulat ni Aileen Taliping
SMW: RPE