Muling binira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Simbahang Katolika dahil sa aniya’y mga maling turo at aral nito sa mga mananampalataya.
Sa kaniyang talumpati sa Kidapawan City, Cotabato kahapon, tinawag ng pangulo na isang kabaliwan ang doktrina ng simbahan hinggil sa holy trinity o banal na isantatlo.
Ayon sa pangulo, iisa lamang ang diyos at hindi ito maaaring hatiin kailanman sa tatlong persona na ama, anak at espiritu santo.
“Yong Diyos mo, pinako sa krus. Tangina. Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos, tapos ipako mo ako? Putangina. Sabihin ko, ‘Lightning, ubusin mo ito. Sunugin mo lahat ng mga erehes,’” Pahayag ni Duterte.
Hindi rin bilib ang pangulo sa pagpapapako sa krus ni Hesukristo dahil hindi aniya nanaisin ng diyos na maipako siya sa krus sabay pagbibiro na kung siya umano ang diyos ay uubusin niya ang lahat ng makasalanan sa pamamagitan ng kidlat.
Ang doktrina ng trinity at ang pagpapakasakit ni Hesukristo ang pangunahing aral na itinuturo ng Simbahang Katolika na siyang itinuturing na matibay na sandigan ng pananampalataya ng mga Katoliko sa ikaliligtas ng sangkatauhan.
“Isa lang ang diyos. There is only one god, period. You cannot divide god into three, that’s silly.” Ani Duterte.