Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Risa Hontiveros dahil sa pagiging mainit sa Philippine National Police o PNP partikular sa kaso ng dalawang menor de edad na nasawi sa police operations.
Tinawag ng Pangulo na “pretended grief” o ka-ipokritahan ang ipinakikitang malasakit ni Hontiveros sa mga piling biktima ng police operations pero ang katotohanan aniya ay pampulitika lamang ito.
Sinabi ni Pangulong Duterte na kaya napaiyak si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa pagharap sa Senado kahapon ay dahil sa pagkainsulto sa linya ng pagtatanong ng senador na tila pinapalitaw na polisiya ng PNP ang mga naganap na pagpatay.
Mababaw aniya ang batayan para palitawing polisiya ito ng PNP na isa ring kabobohan.
Ayon sa Pangulo, maraming utak kriminal kahit sa Liberal Party na partido ni Hontiveros dahil sila ang may record ng plunder at mga pagpatay pero mas piniling manahimik.
Nagtataka rin ang Punong Ehekutibo kung bakit tahimik sina Hontiveros nang mapatay ang limang mag-anak sa Bulacan at hindi man lang nagtanong kung may ginawa ba ang pulisya para malutas ang krimen.
By Drew Nacino / (Ulat ni Aileen Taliping)
SMW: RPE