Bumilib si Pangulong Rodrigo Duterte sa binisitang barkong pandigma ng China, ang guided missile destroyer Changchun na dumaong sa Sasa Port, Davao City.
Ayon sa Pangulo, napahanga sila sa linis ng barko na inihalintulad nito sa isang hotel at ipinakita rin sa kanya ang mga armas na pinapatakbo ng computer.
Nilinaw ni Pangulong Duterte na ang pagbisita ng barkong pandigma ng Tsina ay bahagi ng “confidence building measure” at pakikisama.
Bukas naman ang Punong Ehekutibo sa posibilidad na magkaroon ng joint military exercise ang Pilipinas sa China at maaari aniyang gawin ito sa Mindanao partikular sa Sulu Sea.
Iginiit naman ng Pangulo na wala siyang balak na makipagdigma sa Tsina dahil bukod sa hindi kaya ng Pilipinas na tapatan ang armas ng People’s Liberation Army ng China, wala aniyang mananalo sa magkabilang panig kapag pinairal ang karahasan.
Imbitasyon ni Pres. Trump hindi pa opisyal na tinatanggap ni Pangulong Duterte
Hindi pa opisyal na tinatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni US President Donald Trump na bumisita sa Amerika.
Ayon kay Pangulong Duterte, masyado siyang abala kaya’t hindi niya maipangako ang pagbisita sa Estados Unidos lalo sa White House.
Mayroon na anyang mga naunang imbitasyon gaya ng China, Russia, Japan at Israel.
Matatandaang nag-usap ang Pangulo at si Trump sa ikalawang pagkakataon noong Sabado ng gabi pagkatapos ng ASEAN Summit kung saan inimbitahan nito si Duterte na bumisita sa Amerika.
By Drew Nacino |With Report from Aileen Taliping