Isang bagong cabinet level office ang binuo ng Pangulong Rodrigo Duterte para pabilisin ang pagproseso at pagbabawas ng red tape sa executive branch at local government units.
Nakasaad sa Executive Order No. 129, ang pagbuo ng pangulo ng Office of the Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes (OPASGP) na pinamumunuan ng Presidential Adviser na may rank at sahod na katulad ng isang Cabinet Secretary subalit hindi pa tinukoy ang nasabing opisyal.
Kabilang sa mga tungkulin ng bagong Presidential Adviser ang magbigay ng rekomendasyon sa pangulo at maging sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) hinggil sa evidence-based policies, programs, measures at strategies na magiging daan para simplehan ang proseso at wakasan na ang red tape sa executive branch at mga lokal na pamahalaan.
Responsibilidad din ng opisyal ang magrekomenda sa ARTA at iba pang ahensya ng gobyerno na mag-imbestiga o tugunan ang anumang non-compliance ng sinumang opisyal ng gobyerno o empleyado.
Ang operation funds ng OPASGP ay huhugutin mula sa existing budget ng Office of the President.