Tila napikon na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga birada at patutsada ni Senador Antonio Trillanes IV sa kaniya gayundin sa kaniyang pamilya.
Ito’y makaraang ibunyag ni Trillanes sa pagdinig ng Senado kamakailan na miyembro umano ng isang triad ang panganay na anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte.
Sa kaniyang pagharap sa mga sundalo sa Cagayan de Oro noong Sabado, ipinakita ng Pangulo ang isang rosas na tattoo sa kaniyang balikat at isa pang tattoo sa taas niyon na nagpapatunay naman na miyembro siya ng Guardians.
Kasunod nito, hinamon ng Pangulo si Trillanes na ipa-decode din sa United States Drug Enforcement Agency para malaman kung kaanib din siya ng sindikato.
‘Bank accounts’
May nakatago umanong bank account si Senador Antonio Trillanes IV na naglalaman ng malalaking halaga ng pera.
Ito ang isa pang buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga alegasyon sa kaniya ng senador na nagkakamal umano ng mga tagong yaman.
Sa kaniyang talumpati sa ika-26 na anibersaryo ng Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro City, sinabi ng Pangulo na naghahanda na sila ng malakas na bomba laban sa senador.
Kabilang aniya sa mga bansang pinagtataguan ni Trillanes ng kaniyang mga umano’y tagong yaman ay Australia, Hong Kong at maging sa Amerika kaya’t malinaw na duwag at puro pagbibintang lamang aniya ang kayang gawin ng senador.
Maliban sa mga umano’y offshore accounts ni Trillanes, ibubunyag din nito ang mga pangalan ng mga umano’y consultant ng senador na nakinabang sa DAP o Disbursement Acceleration Program na ipinatupad ng nakalipas na administrasyon.
Panawagan ni Trillanes
Samantala, nanindigan si Senador Antonio Trillanes IV na ginagawa lamang nito ang kaniyang trabaho na ilahad ang katotohanan sa publiko.
Ito ang reaksyon ng senador nang buweltahan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga banat at birada nito laban sa unang pamilya.
Ayon kay Trillanes, wala siyang pakialam kung tawagin man siyang duwag ng Pangulo dahil wala naman aniya itong ibang alam gawin kung hindi manakot.
Giit pa ni Trillanes, pinaglalaruan lamang ng Pangulo ang publiko na kunwari aniya’y galit sa iligal na droga ngunit ang totoo aniya’y sila ang numero unong nagpapasok nito sa bansa.
—-