Desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na kasuhan ng plunder ang Manila Water at Maynilad.
Kumbinsido ang pangulo na mayroon siyang matibay na kaso laban sa water concessionaires.
Binigyang diin ng pangulo na wala siyang planong bayaran ang pitong bilyong pisong multa na napanalunan ng Manila Water mula sa arbitration tribunal.
‘’If I file the case, I just state that they have any operations for so many years then all of the contracts there, all the provisions that been complied with, pag nag comply, kinomply na yun lahat nung increases ah, pasok ng atni graft lord so yun na nga eh. That’s my evidence. Para sa akin yun ah. I could establish a case then I’ll file plunder. Ang plunder … gusto ko makita na bilyonaryo ang makulong,’’ ani Pangulong Duterte.
Ayon sa pangulo, noong una pa lamang na mawalan ng tubig ang maraming bahagi ng Metro Manila ay naging curious na siya matapos na sabihan siya ng isang opisyal rin ng pamahalaan na mayroong sapat na suplay ng tubig.
Lalo anya siyang nagduda nang biglang magkatubig matapos niyang pagbantaan ang isang opisyal ng MWSS.
Sinabi ng pangulo na dito na siya nagka interes na silipin ang kontrata ng Manila Water at Maynilad na pinasok nila sa panahon ng Ramos administration at pinalawig hanggang 2037 sa panahon ng Arroyo administration.
‘’Our country surrendered everything to Manila Water and Maynilad. Everything! Including the sovereignty. Kasi nakalagay doon, kung malugi sila attributable to the government. What animal is that? It is not stated in the contract. Magbayad tayo. We pay, at yung CIF nila, corporate income tax, ipapasa nila to the consumers. Bilib naman talaga ako sa mga bituka nito,’’ ani Duterte.