Hindi kailangang magbanta ng Pangulong Rodrigo Duterte na tutuldukan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika kapag nabigo itong magbigay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa Pilipinas.
Ayon ito kay Vice President Leni Robredo dahil maayos naman aniya ang programa ng Pilipinas pagdating sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19.
Binigyang diin ni Robredo na maraming bagay na hindi kailangan sa mga panahon ngayon tulad na lamang nang pakikipag-away na wala namang basehan dahil hindi naman aniya ito nakakatulong sa problemang kinakaharap ng bansa sa gitna ng pandemya.
Sa ngayon aniya ay tuloy ang diyalogo sa pagitan ng Pilipinas at Pfizer, Moderna at iba pang manufacturers para sa suplay ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Robredo na ang dapat gawin ng gobyerno ay tutukan na lamang ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa publiko hinggil sa vaccination program sa halip na magbanta sa iba pang bansa para mapakampante ang publiko sa hinihintay na bakuna kontra COVID-19.
Una nang itinanggi ng Malacañang na bina-blackmail ng pangulo ang Amerika sa pagsasabi na iginigiit lamang ng chief executive ang independent foreign policy ng Pilipinas.