Ang Pangulong Rodrigo Duterte at hindi ang sinumang miyembro ng gabinete nito ang dapat magsalita sa isyu nang nagaganap na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon ito kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ay dahil ang China ay nakikinig lamang sa pinakamataas na lider ng bansa.
Sinabi ni Carpio na minamaliit pa rin ng Malacañang ang presensya ng Chinese vessels sa WPS, sa kabila nang matitinding pahayag nina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. at Defense Secretary Delfin Lorenzana sa naturang usapin.
Isa aniya napakahalagang isyu ang presensya ng Chinese vessels sa WPS lalo pa’t nakasalalay dito ang soberanya ng Pilipinas kaya’t dapat nang magsalita ng Pangulong Duterte at panindigang pag-aari ng Pilipinas ang lugar.
Gayunman, inihayag ni Carpio na hindi naman garantiya ang pagsasalita ng pangulo sa WPS issue na aalis ang mga barko ng China, subalit mararamdaman aniya ng Asian powerhouse ang init dahil mawawalan sila ng isang kaibigan.