Inihayag ng punong ehekutibo na hindi pa ito pabor sa ngayon sa full implementation ng child car seat law lalo’t masama aniya ang tama ng ating ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito’y ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go nang makausap nito ang Pangulo, aniya mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ay ayaw pa munang ipatupad ito.
Paliwanag ni Go, ang sabi lang ng Pangulo, hindi pa napapanahon na ipatupad ang naturang batas.
Nakausap ko po mismo si Pangulong Duterte, siya po mismo ayaw niya rin i-implement ito, sabi niya hindi pa po napapanahon ang implementasyon ng batas na ito, hirap na hirap na po ang mga Pilipino huwag na nating pahirapan pa,″ pahayag ni Senador Bong Go.
Mababatid kasi sa naturang batas, kinakailangan na ang mga kabataang nasa edad 12 taong gulang pababa ay dapat gumamit ng car seat sa tuwing sumasakay sa kani-kanilang sasakyan.
Matapos naman itong ulanin ng batikos, agad namang ipinag-utos ang pagpapaliban sa panghuhuli ng mga awtoridad sa mga lalabag o hindi makasusunod sa naturang kautusan, at sinabi ng Land Transportation Authority (LTO) na kanilang re-rebyuhin ang mga panuntunan nito.
Sa huli, giit ni Senador Go, na darating din aniya ang panahon na maipatutupad ang naturang batas.
Hindi nga makalabas ang mga bata dahil sa IATF protocol , bawal lumabas, bakit natin ipapatupad itong batas na ito, wala namang lalabas na bata, wala namang pasaherong maisasakay,so unahin muna natin information campaign kung ano ho bang laman ng batas na ito,″ dagdag ni Go.
Ang importante ani Go sa ngayon, ay magkaroon ng information campaign ukol dito.