Hindi umano sinisisi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Arab countries sa hinihinalang iregularidad sa implementasyon ng Kafala system.
Ito ang nilinaw ni Presidential Assistant on Foreign Affairs Undersecretary Robert Borje ilang araw matapos manawagan si Duterte sa ilang bansa sa Gitnang Silangan na buwagin ang nasabing sistema.
Ayon kay Borje, nais lamang ng Presidente na matiyak na ang lahat ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ay napoprotektahan laban sa anumang uri ng pang-aabuso at exploitation o pananamantala.
Batay sa kafala system, kailangang may sponsor muna ang manggagawang Pinoy sa pupuntahang bansa bago iisyuhan ng visa at worker’s permit.
Kabilang sa mga nagpapatupad ng nabanggit na patakaran ay ang Bahrain, Kuwait, Lebanon, Qatar, Oman, Saudi Arabia, at United Arab Emirates (UAE).
Samantala, sinabi ni Borje na malaki ang tsansang mabubuwag nang tuluyan ang naturang labor system.