Tila gigil na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga teroristang grupo sa bansa partikular sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito’y sa gitna ng sunud-sunod na bakbakan sa pagitan ng militar at ASG sa Bohol kung saan umabot na sa sampung (10) bandido ang napapatay simula pa noong Mahal na Araw.
Bukod pa ito sa nagpapatuloy na sagupaan ng mga tropa ng gobyerno sa kaalyado ng Abu Sayyaf na Maute Group sa Lanao del Sur.
Pinakahuling naitalang karahasan ang pamumugot ng ASG sa sundalong Muslim at dating MNLF o Moro National Liberation Front combatant sa Sulu na kanilang binihag.
Dahil dito, binalaan ng Pangulo ang bandidong grupo na hindi na siya magdadalawang isip na gawin ang hindi niya dapat gawin para matapos na ang problema.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Martial Law in Mindanao
Handang ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa Mindanao bilang bahagi ng kanyang kampanya kontra terorismo.
Ayon kay Pangulong Duterte, sa oras na lumala ang sitwasyon sa Mindanao partikular sa Basilan, Sulu at Lanao del Sur ay hindi siya magdadalawang-isip na gawin ang lahat ng hakbang upang tapusin ang karahasan.
Aminado naman ang Pangulo na hindi niya nais gumamit ng dahas pero kung ito ang hiling ng mga teroristang grupo ay pagbibigyan niya ang kapritso ng mga bandido.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte